Buti Pa Ang Chicharon, May Puso



Author: Gee-sensei
RE: Buti pa ang Chicharon, May Puso

Alam kong hindi ako nagkamali
Sa panahong ikaw ang aking pinili.
Nang magdaiti ng ating mga balat,
Napagtantong ikaw ang itinakdang tapat.

Ipinagkatiwala mo sa akin ang ‘yong buhay.
‘Tanda mo pa ba noong hinila mo ang aking kamay?
At nang hilahin ko ito pabalik?
Kasama na ang mga mumunti mong halik.

Nasanay na ako na ika’y nasa paligid.
Hindi ko matanggihan iyong pagkamasugid.
Kahit sa’yo’y maraming naghahabol,
Ikaw at ako hindi mapuputol.

Ngunit kung minsan hindi talaga maiiwasan
Na kailangang magkalayo nang panandalian.
Dahil may mga bagay na kailangan intindihin,
Mga bagay na kailangang mag-isang harapin.

Alam kong alam mo kung anong makakabuti
Ipahinga muna natin ating mga sarili.
Panghahawakan ko ang tanging pangako,
Pinananabikan muli nating pagtatagpo.

Mahirap nang pati katawan ay bumigay
Kung hayaan ang sariling malulong ng tunay.
Mahirap nang mapasobra sa’yo, irog;
Baka pati sa gabi hindi ako makatulog.

Salamat dahil iniisip mo ang aking kalagayan.
Huwag kang mag-alala, ako’y magdadahan dahan.
Isa na lang talaga ang masasabi ko
Buti pa ang chicharon, may puso.

Comments